Binatikos ni Pangalawang Pangulo Sara Duterte si Batangas Representative Gerville Luistro sa isang kampanya kamakailan sa Bauan, Batangas.
Ikinuwento ni Duterte na lumapit si Luistro sa kanyang asawa na si Mans Carpio, isang abogado, upang humingi ng tulong noong nasangkot sa kasong rape ang asawa ng kongresista.
Ngunit matapos maresolba ang kaso, sinabi ni Duterte na hindi binayaran ni Luistro ang napagkasunduang bayad na P8 milyon para sa serbisyo ng kanyang asawa.
“Ilang beses siningil ay hindi nagbayad. Ganyan ang klase ng tao na mali natin na napili. Tinatakbuhan ang utang… kunwari walang nangyari,” patutsada ni Duterte.
Ang mas malala pa raw, ayon kay Duterte, bukod sa hindi pagbabayad ng utang sa kanila, nakita pa niya si Luistro na namimigay ng pera.
“Magbayad ka naman muna ng utang mo. May pera naman pala eh,” ayon kay VP Sara.