Kinondena ng Makabayan Bloc ang text message ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na humihimok na itigil ang pagsusumite ng impeachment complaint laban kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte.
Ayon kina ACT Teachers Rep. France Castro, Gabriela Rep. Arlene Brosas, at Kabataan Rep. Raoul Manuel, ang ginawa ni Pangulong Marcos na impluwensyahan ang Kongreso ay itinuturing na paglabag, lalo na sa prinsipyo ng paghihiwalay ng kapangyarihan sa pagitan ng magkakapantay na sangay ng gobyerno.
Ayon sa tatlong mambabatas, nakakabahala ang hayagang pakikialam ng Pangulo sa mga proseso ng Kongreso, dahil hindi dapat idinidikta ng Malacañang ang mga aksyon ng Kongreso.
Binigyang-diin nila na ang layunin ng kanilang hakbang ay panagutin ang mga opisyal na sangkot sa katiwalian.
Tiniyak din ng Makabayan Bloc at iba pang progresibong organisasyon na nakahanda na ang impeachment complaint laban kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte, dahil kailangang managot umano ito sa paggamit ng pondo ng bayan.