Nanawagan si Surigao del Norte 2nd District Rep. Ace Barbers sa National Bureau of Investigation (NBI) na magsagawa ng imbestigasyon at maghain ng kaso laban sa mga vloggers na di umano’y naninira sa reputasyon ng House quad-committee.
Nagpadala si Barbers, ang lead chairperson ng quad-committee, ng liham kay NBI chief Jaime Santiago upang hilingin ang pagtukoy sa mga indibidwal o grupo sa likod ng mga vlog na umano’y nagkakalat ng maling impormasyon at sumisira sa integridad ng serbisyo publiko ng mga mambabatas sa Kamara.
Dagdag pa niya na panatilihin ang digital evidence kaugnay ng mga vlog.
“Very obvious na well-organized at bayaran ang mga vloggers na ito na gustong sirain ang pangalan ko, ng kapatid ko, at mga Quadcom members,” sabi niya sa kanyang pahayag nitong Linggo, Disyembre 1.
“Sabi nila, ito yung mga bayarang grupo ng tagapagkalat ng kasinungalingan. Siguro nasasaktan na ang kanilang mga employers na POGO operators at drug lords dahil sa patuloy na Quadcom investigations,” Dagdag pa niya.
Hinikayat ng mambabatas ang NBI na magsampa ng mga kaso, kabilang ang libel at sedisyon, alinsunod sa Cybercrime Prevention Act.
Naniniwala rin si Barbers na sa pamamagitan ng NBI, mapangangalagaan at mapapanatili ang integridad ng komite.
source: tnt news