Makabayan campaign manager Renato Reyes Jr. binatikos ang ‘Itim’ na campaign ad nina Senadora Imee Marcos at Pangalawang Pangulo Sara Duterte, na aniya’y hindi sinasadyang sumasalamin sa madidilim na yugto ng kasaysayan ng Pilipinas—hindi sa kasalukuyang administrasyon, kundi noong panahon ng pamumuno ng kanilang mga ama, sina dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. at Rodrigo Duterte.
Ayon kay Reyes, ang kulay itim ay kumakatawan sa mga panahong laganap ang kahirapan at paglabag sa karapatang pantao sa ilalim ng diktadurya ni Marcos Sr. at rehimen ni Duterte.
“Itim at dilim ang kulay ng panahon ng diktadurang Marcos at rehimen ni Rodrigo Duterte. Laganap ang kahirapan at paglabag sa karapatang pantao sa parehong panahon habang saklot ng dayuhan ang bansa,” sabi ni Reyes.
“Hindi si Imee o Sara ang magdadala ng anumang liwanag dahil sila ay parehong niluwal ng maitim at madugong rehimen ng kanilang mga ama. Pareho silang nakinabang sa maitim na pulitika at madilim na legasiya ng parehong pasistang rehimen,” dagdag pa niya.
“Hindi oposisyon sina Sara at Imee, bagkus ay bahagi lang sila ng parehong naghaharing uri o ruling class na nais ipusisyon ang sarili habang karamihan ay nananatiling mahirap at nagdurusa,” ayon kay Reyes.
Hinimok ni Renato Reyes ang mga botante na humanap ng tunay na alternatibo—mga kandidatong kumakatawan sa makabuluhang oposisyon at sistematikong pagbabago, at hindi lamang bahagi ng umiiral na dinastiyang pampulitika.
“Hindi Marcos at hindi Duterte, hindi kadiliman at kasamaan, ang tanging pagpipilian at alternatibo sa kasalukuyang panahon,” sabi ni Reyes.