Sa kanyang lingguhang vlog, tinawag ni Pangulong Bongbong Marcos na “sira ulo” ang Russian vlogger na si Vitaly Zdorovetskiy, na kasalukuyang nahaharap sa patung-patong na kaso.
Nagbigay ng reaksiyon si PBBM matapos mag-viral ang nasabing content creator na kinasuhan na ng mga otoridad.
“Marami tayong nakita sa mga lansangan nitong mga nakaraang linggo, sigawan, sindakan at pambabastos sa Pilipino,” bahagi ng pahayag ni PBBM.
Aniya, walang Pinoy na matutuwa sa ginawang pambabastos ni Zdorovetskiy sa mga kababayan natin pati na ang iba pang foreigner na vloggers na nagki-create ng hindi magagandang content sa Pilipinas.
“Sira ulo rin ito, hindi naman Pilipino, pwede ko bang murahin?” ang hirit ni President Bongbong.
“Nakakalungkot dahil ito’y isang naging bahagi na ng social media, na nagkakaroon ng mga vlogger na nanggugulo lang, nang-aasar lang, nambubwisit lang, nambabastos lang para makakuha ng mga viewers.
“Huwag tayong sasama diyan sa ganyang klaseng ugali,” paalala pa ng pangulo sa sambayanang Filipino.
Mariin pa niyang sabi, “Hindi naman ganyan ang ugaling Pilipino. Asahan ninyo ‘yung mga gumagawa ng ganyan, hindi natin pababayaan na patuloy nilang ginagawa ‘yan.”
Binigyang-diin pa ni PBBM ang mga katangiang taglay ng mga Pilipinong madalas abusuhin ng mga mapang-abusong vlogger—kabilang na ang kabutihan ng loob, malasakit sa kapwa, paggalang, kababaang-loob, at mahabang pasensya.
Kasunod nito, tiniyak ng pangulo na hindi hahayaan ng pamahalaan ang anumang uri ng pambu-bully ng mga dayuhan laban sa mga Pilipino sa mismong sariling bayan.