Ayon kay former presidential legal counsel Salvador Panelo na layunin ng impeachment laban kay Duterte na ma-disqualify ito sa pagtakbo sa 2028 elections.
“Ang purpose talaga ng impeachment is to disqualify her sa 2028. Kasi isa sa mga consequence ng impeached official ay hindi lang removal from office kung hindi disqualification from holding office. Iyan talaga ang target nila,” saad ni Panelo.
Ayon pa kay Panelo, kung ma-impeach si VP Duterte, hindi na siya kailanman maaaring magtrabaho sa gobyerno.
Dagdag pa niya, ang pahayag ni Pangulong Bongbong Marcos na huwag nang ituloy ang impeachment laban kay Duterte dahil ito’y pag-aaksaya lang ng oras ay maaaring layuning maiwasan ang anumang pagdududa laban sa Pangulo.
“Ang political reality sa ating bansa, walang nangyayari diyan sa Kongreso na hindi alam ng Presidente at hindi niya inayunan. Maaaring ginawa niya lang ‘yun para hindi siya pagsuspetsahan pero the fact is nakapasok,” wika ni Panelo.
Lunes, Disyembre 2, naghain ng impeachment complaint laban kay Duterte ang ilang civil society groups, dating opisyal ng gobyerno, mga lider ng relihiyon, at kinatawan ng iba’t ibang sektor.