Sunday, December 22, 2024
HomeNewsKhonghun: Nakakabahala na umabot tayo sa ganitong level ng kasinungalingan

Khonghun: Nakakabahala na umabot tayo sa ganitong level ng kasinungalingan

Lalo umanong naging kwestyonable ang paggamit ng confidential fund ni Vice President Sara Duterte matapos mabigo ang Philippine Statistics Authority (PSA) na makahanap ng anumang rekord tungkol kay Mary Grace Piattos.

“Kaya pala walang nag-claim ng P1 million reward kasi peke talaga,” ayon kay House Assistant Majority Leader at Zambales Rep. Jay Khonghun, na tumutukoy sa alok na pabuya ng mga miyembro ng House Committee on Good Government and Public Accountability para sa makakapagbigay ng impormasyon tungkol kay Mary Grace Piattos.

“Nakakabahala na umabot tayo sa ganitong level ng kasinungalingan. Sa mga opisyal ng gobyerno na dapat nagbibigay ng tamang impormasyon, imbento lang pala ang Mary Grace Piattos,” dagdag pa nito.

Ayon kay Khonghun, lalong naging kapansin-pansin ang mga tanong tungkol sa paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education dahil sa sertipikasyon ng PSA.

“Hindi lang ito simple na isyu ng pangalan; pinagmumulan ito ng mas malalim na problema sa transparency at accountability. Kung kaya nilang mag-imbento ng ganito, ano pa kaya ang mga nakatagong transaksyon?” giit ng solon.

“Paano aasahan ng taumbayan ang ating sistema kung ganitong klaseng kwento ang ginagamit? Panahon na para managot ang mga may sala,” dagdag pa ng kinatawan mula sa Zambales.

Ang paggamit umano ng pekeng liquidation ay hindi lamang nagpapahina sa tiwala ng publiko kundi nagpapakita rin ng mahinang pamamahala.

“Sa bawat pisong ginagastos ng gobyerno, karapatan ng mamamayan na malaman kung saan ito napupunta. Pero paano kung ang kwento pa lang ay imbento na?” tanong pa ng solon.

“Kung ganito ang klase ng pamamahala sa OVP, paano natin masisiguro na tama ang paggamit ng pondo ng bayan?” dagdag pa ni Khonghun.

Iginiit din ng mambabatas ang kahalagahan ng pagpapanatili ng integridad sa mga kilos at desisyon ng mga opisyal ng gobyerno.

“Ang dapat ay tapat. Walang lugar para sa mga kwentong imbento, lalo na sa isang tanggapang pinopondohan ng buwis ng taumbayan,” sabi pa ng solon. “This is not just about one name. It’s about integrity in public service. Congress has a duty to protect the people’s money.”

 

 

Most Popular

Recent Comments