Si Jed Patrick Mabilog, dating alkalde ng Iloilo City, ay Itinalaga bilang special adviser ni House Speaker Martin Romualdez.
Inihayag ang pagtatalaga kay Mabilog sa ginanap na miting de avance ng “Team Sulong Gugma” sa Mandurriao noong gabi ng Sabado, Mayo 10.
Batay sa kopya ng memorandum na pirmado ni Secretary-General Reginald Velasco, epektibo ang kanyang appointment simula pa noong Mayo 1.
Ayon sa dokumento, inaasahang makatutulong nang malaki si Mabilog sa pagpapahusay ng legislative agenda ng Kamara dahil sa kanyang karanasan at pananaw sa kanyang larangan.
Matatandaang lumisan si Mabilog sa bansa noong 2017 matapos siyang akusahan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na sangkot sa ilegal na droga. Bumalik siya sa Pilipinas noong 2024.
Naging isa rin siya sa mga nagbigay ng testimonya sa Quad Committee ng Kamara na nagsasagawa ng imbestigasyon sa kampanya kontra droga ng nakaraang administrasyon.
Noong Enero 2025, pinagkalooban siya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng executive clemency at inalis ang habambuhay na pagbabawal sa kanya na makapaglingkod sa pamahalaan.