Nasawi ang isang taong gulang na bata na si Jared James matapos pulupotan at tuklawin ng isang diamond snake ng anim na beses sa bahagi ng ulo sa North Cotabato.
Ayon sa ulat noong Abril 13, pansamantalang iniwan ng kanyang lola si Jared James bandang alas-3 ng hapon noong Abril 9 sa kanilang tahanan sa Sitio Layangan, Barangay Salayan, Matalam, North Cotabato upang kumuha ng makakain.
Ilang sandali lamang ang lumipas, bumalik ang lola at nakarinig ng malakas na kalabog mula sa loob ng bahay. Laking gulat niya nang madatnan ang isang ahas na mahigpit na nakapulupot sa ulo ng bata.
Dahil sa matinding takot, sinubukan niyang alisin ang ahas subalit ito’y nanlaban. Agad siyang humingi ng tulong sa mga kapitbahay, na gumamit ng “de bomba” upang mapatay ang naturang ahas.
Agad dinala si Jared James sa pinakamalapit na pagamutan, ngunit idineklara siyang dead on arrival. Ayon sa pagsusuri ng mga doktor, nagtamo ang bata ng anim na kagat sa ulo, na siyang naging sanhi ng kanyang pagkasawi.