Si Vice President Sara Duterte umano ang nakaisip ng kontrobersyal na ‘itim’ na ad ni Sen. Imee Marcos.
Ayon kay Marcos, layunin ng naturang ad—na tampok sila ni VP Sara—na ipakita ang pagkadismaya sa direksyong tinatahak ng kasalukuyang administrasyon at hikayatin ang pagtataguyod ng tama.
Aniya, biglaan lamang ang pagbuo ng ideya para sa ad, na isinagawa matapos ang pagdating ni VP Sara mula The Hague.
“Siya (VP Sara) ang nagsasabi na wala siya sa mood at itim at luksa ang pakiramdam ng nakararami. Sabi ko papano gagawin sa political ad di ba nakakalungkot? Pareho kaming nakalimot na may kampanya pala… Siya ang nagpupumiglas na itim… Itim ay simbolo na ‘Ipaglaban ang Tama, Itama ang mali,” ani Marcos.
Idinagdag ni Marcos na sa nangyayari sa kasalukuyan ay hindi na angkop ang mga sayaw-sayaw at mag-motorcade.
Hindi naman direktang sinagot ni Marcos ang tanong kung makakatulong sa kanyang kampanya at tiyansang manalo ang endorsement ni VP Sara.