Ibinunyag ng social media personality at vlogger ng Pinoy Pawnstar na si “Boss Toyo” ang dahilan kung bakit hindi siya tumakbo sa darating na 2025 midterm elections.
Sa isang press conference kamakailan na ginanap sa Bonifacio Global City, inilahad ni Boss Toyo na inalok siyang maging ikalawang nominado ng Pinoy Ako Partylist at tumakbo bilang konsehal sa Unang Distrito ng Maynila.
“Hindi pa ito para sa akin, e. Hindi ko alam kung kailan, hindi ko alam kung tatakbo. Pero para sa akin, wala pa po siya talaga sa isip ko. Noong una akala ko, kaya ko. Saka siyempre, wala akong alam unang-una. Ayoko namang daanin sa pagiging popular o kaya pagiging mabait o matulungin,” saad ni Boss Toyo.
Dagdag pa niya, “Opinyon ko lang ito. Hindi sapat na umupo ka sa kahit anong posisyon kung wala kang alam sa pagpapatakbo. Mahirap ‘yan kasi tao na ‘yong hinahawakan mo. Governance, kung nasa national ka. Kung magko-Congress ka naman gagawa ka ng batas. Ano ‘yong gagawin mo kung sumikat ka lang as an influencer?”
Ayon kay Boss Toyo, halos lahat ng nasa paligid niya ay naghikayat sa kanyang tumakbo sa halalan—ngunit siya lamang daw ang tumanggi sa ideya.
“Actually lahat sila pinapatakbo ako, ako lang yung nag-beg off kasi ayokong maging katawa-tawa. Ayoko kasing masabihan na wala ka namang alam,” aniya.