Inihahanda na ng Makabayan Bloc sa Kamara ang ikalawang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa isang press conference, kinumpirma ni Kabataan Party-list Representative Raoul Manuel na layunin nilang ihain ang nasabing reklamo ngayong linggo.
Ayon kay Manuel, nakikipag-usap na sila sa iba’t ibang people’s organizations na nais sumali bilang complainants upang ituloy ang impeachment laban kay VP Sara.
Dagdag pa niya, naniniwala silang dumarami na ang mga Pilipinong nagiging mulat sa isyu ng confidential funds na kailangang ipaliwanag ng mga opisyal.
Kahapon, inihain ang unang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte, na pinangunahan ng 16 na indibidwal mula sa iba’t ibang civil society organizations, advocacy groups, lider ng relihiyon, sektor, at pamilya ng mga umano’y naging biktima ng Oplan Tokhang.